Pagpapalawig sa online class ng 8 oras, tinututulan ng isang kongresista

Binatikos ni Assistant Minority Leader at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ang “insensitive” na suhestyon ng Department of Education (DepEd) na palawigin ng hanggang walong oras ang online classes para mabawi ang mga araw na walang klase.

Giit ni Castro, ang ganitong suhestyon ay magiging panganib lamang sa kalusugan at kapakanan ng mga estudyante, mga guro at mga magulang.

Ipinaalala ni Castro sa ahensya na ang mga guro at mga mag-aaral ay hindi mga robot para dire-diretsong walong oras na nakatutok sa kanilang klase sa online.


Bukod dito, hindi rin lahat ng mga estudyante ay may kakayahan sa online classes at marami rin sa mga ito ay limitado ang internet connectivity at nakakaranas ng hindi maayos na signal.

Magiging dagdag na gastos din ito para sa mga magulang lalo na ang mga mahihirap na ikakain na lamang ay kailangan pang ilaan sa dagdag na load para sa mga anak.

Hindi rin makakatakas sa hirap ng bagong learning modalities ang mga guro na isa rin sa mga matinding tinamaan ng epekto ng pandemic.

Dapat aniyang tiyakin ng DepEd na hindi magiging pabigat sa mga guro, estudyante at mga magulang ang edukasyon at sa halip ay dapat na matulungan pa nga ng ahensya ang bawat pamilya na maka-survive sa gitna ng krisis.

Facebook Comments