Pagpapalawig sa palugit sa pagtubos ng lisensya dahil sa nagawang traffic violation, ihihirit ng grupong Manibela

Dumulog ngayong hapon sa tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) ang grupong Manibela para iapela ang bagong inilabas na memorandum circular.

Sa ilalim ng bagong guidelines sa 15-working-day settlement period para sa pagbabayad ng multa ay hindi na kailangang kumpiskahin ang driver’s license ng isang motorista.

Sa halip, ang lisensya ng mga hindi nabayarang multa ay ilalagay sa alert status at ang mga hindi makakapagbayad sa itinakdang panahon ay awtomatikong masususpinde o mare-revoke ang kanilang lisensya sa loob ng 30 araw.

Para kay Manibela Chairman Mar Valbuena, hindi ito makatao at ang nasabing panuntunan ay para sa mga mayayaman lamang.

Aniya, ang 15 araw na palugit para bayaran ang pananagutan sa ginawang paglabag sa batas-trapiko ng isang tsuper gaya ng mga PUV driver ay hindi makakaya ng kalahating buwan.

Matatandaang, nag-ugat ang paglalabas ng LTO ng memoramdum matapos mag-viral ang ginawang paglabag sa batas-trapiko ng anak ng blogger na si James Deakin.

Nagreklamo noon si Deakin sa LTO dahil umano sa iregularidad sa pagkuha ng driver’s license ng kanyang anak.

Facebook Comments