Pagpapaliban ng barangay elections, pag-uusapan ng Senate majority

Manila, Philippines – Pag-uusapan ngayong araw ng linggo ng Senate majority ang panukala ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagpapaliban ng 2017 barangay elections.
 
Ayon kay Senate Majority Leader Vicente Sotto III, ang nasabing pulong ay para sa mga miyembro ng senate majority bloc na sumama sa pagpunta ni Duterte sa Myanmar at Thailand.
 
Kaugnay nito, naniniwala si Interior and local Government Secretary Mike Sueno na may mga rason ang pangulo kung bakit ayaw nitong ituloy ang naturang eleksiyon.
 
Isa na rito aniya ay ayaw ng pangulo na magkaroon ulit ng isang barangay official na sabit sa iligal na droga.
 
Pangalawa aniya, hindi gusto ng pangulo na mayroong ma-appoint na kurakot na punombarangay at ikatlo, gusto ni Duterte na matapang ang isang kapitan para labanan ang iligal na droga at makiisa sa gobyerno na magkaroon ng isang mapayapang komunidad partikular na sa Mindanao.
 
Matatandaang bukod sa pagpapaliban ng barangay elections ay ipinihayag din ni Pangulong Duterte ang ideyang pagtatalaga na lang ng mga barangay official kaugnay ng kampanya laban sa narcopolitics.


Facebook Comments