Muling ipinaalala ni Navotas Mayor Toby Tiangco ang mahigpit na pagbabawal sa pagpapalipad ng saranggola habang umiiral ang Enhanced Community Qurantine o ECQ.
Ang paalala ni Tiangco ay dahil may mga nahuhuli pa ring lumalabas ng bahay, bata man o matanda, para magpalipad ng saranggola.
Ayon kay Tiangco, batid niya na masarap magpalipad ng saranggola, pero hindi pwedeng gawin sa ngayon dahil dapat ay nasa loob lamang ng bahay ang lahat para pigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Ipinaliwanag pa ni Tiangco na maliban sa ECQ, ang pagpapalipad ng saranggola ay mapanganib lalo na kung ginagawa ito sa lugar na maraming kawad ng kuryente kung saan maaari itong sumabit at makuryente ang may hawak.
Sa ngayon ay nasa 31 na ang positibong kaso ng COVID-19 sa Navotas habang 91 naman ang probable case at 103 ang suspected case.