Pagpapalipad ng Saranggola, Isang Dahilan sa Pagkawala ng Kuryente!

Cauayan City, Isabela- Ibinahagi ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) Region 02 ang ilang sanhi ng biglaang pagkawala ng kuryente sa nasasakupan nito.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ms. Malou Refuerzo, Regional Communications and Public Affairs Officer ng NGCP Region 02, marami aniya ang nagiging dahilan ng power interruption o brownouts sa ilang lugar.

Maaari aniyang dahil sa supply, transmission o sa distribusyon ng kuryente at dahil sa epekto ng malakas na pagbuhos ng ulan, hangin at malakas na pagkidlat.


Kabilang din aniya sa mga sanhi ng biglaang brownout ang pagpapalipad ng mga saranggola o anumang bagay na sumasabit at dumidikit sa mga linya ng kuryente.

Maaari din aniya itong mag sanhi ng pagkakuryente o pagkamatay ng naglalaro o may hawak ng saranggola.

Nakakapagdulot din ng brownout ang grassfire lalo na kung ito’y malapit sa transmission ng kuryente.

Samantala, tiniyak naman ng NGCP na nasa maayos na kondisyon ang mga nasasakupang linya ng kuryente ngayong panahon ng tag-ulan at wala din naka schedule na power interruption sa susunod na Linggo.

Paalala naman sa lahat ng mga may alagang hayop na huwag itali sa poste ng kuryente upang hindi masira at hindi rin maging sanhi ng biglaang brownout.

Facebook Comments