Binigyan diin ng Department of Health na kailangan munang konsultahin ang mga pinuno ng Local Government Units (LGUs) kaugnay sa pagpapaluwag ng age restriction sa Metro Manila at iba pang lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).
Kasunod na rin ito ng pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na pinayagan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na lumabas ng kanilang bahay ang mga edad sampung hanggang 65 years old sa mga lugar na nasa Modified General Community Quarantine (MGCQ), epektibo sa Pebrero a-uno.
Sa virtual briefing, nilinaw ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na kailangan pa rin konsultahin ang mga alkalde ng mga lugar na nasa GCQ kung gusto nilang luwagan ang age restrictions para sa mga dapat na lumabas ng kanilang tahanan.
Sa ngayon ay nasa ilalim ng GCQ ang Metro Manila, Isabela, Santiago City, Batangas, Iloilo City, Tacloban City, Lanao Del Sur, Iligan City, Davao del Norte, at Davao City.
Una nang sinang-ayunan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang panukalang paluwagin ang age restriction sa MGCQ areas para madagdagan ang customer ng mga commercial establishment gaya ng mga mall na makakatulong sa pagbuhay ng ekonomiya ng bansa.