PAGPAPANATILI SA MALINIS NA BAKURAN, IPINANAWAGAN NG CHO

Cauayan City, Isabela- Dahil sa lumobong kaso ng dengue sa probinsya na kung saan kabilang ang Lungsod ng Cauayan sa mga lugar na may mataas na naitalang kaso ng dengue, ay nagsagawa na ng clean up drive ang Siyudad bilang hakbang para mapigilan ang pagdami ng kaso ng dengue at mapuksa rin ang mga pinamumugaran ng mga lamok.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Sanitation Inspector Rose Gonzales ng Cauayan City Health Office, nagsagawa na aniya noong Sabado ng isang araw na paglilinis sa bawat barangay sa pangunguna ng mga barangay officials.

Matagumpay naman aniyang natapos ang clean up drive sa 65 barangays sa tulong ng mga kabataan at mga residente sa barangay.

Sa ngayon naman ay isinusunod na ang pagpa-fogging kung saan nauna nang natapos sa Brgy. Nungnungan Uno, San Fermin at Tagaran.

Ayon kay Gonzales, tinututukan aniya nila ngayon ang mga lugar na may mataas na kaso ng dengue tulad ng brgy San Fermin at Tagaran.

Nilinaw ni Gonzales na ang paglilinis pa rin sa paligid lalo na sa mga madalas na pamugaran ng lamok ang numero unong pamamaraan para mapuksa ang dengue at hindi ang fogging.

Samantala, wala pang pinal na desisyon ang Siyudad ng Cauayan kung magsasagawa muli ng clean up drive bilang pakikiisa sa isasagawang Simultaneous at massive clean-up drive sa buong Isabela sa June 25 alinsunod sa kautusan na inilabas ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela.

Facebook Comments