Manila, Philippines – Pinalawig muli ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang pagpapalit sa mga lumang pera ng panibagong tatlong buwan.
Mula sa nakatakdang deadline ngayong March 31 ay palalawigin ito hanggang June 30.
Ayon kay BSP Deputy Director, Currency Issue and Integrity Office Grace Malic, nagdesisyon ang monetary board na i-extend ang deadline para mabigyan pa ng sapat na panahon ang publiko na magpapapalit.
Paliwanag nito ang pag-demonitized ay paraan ng BSP para maprotektahan ang ating pera laban sa mga namemeke.
Sa ngayon, mahigit 284 million na piraso pa o P19.2 billion ang nasa sirkulasyon at hindi pa naibabalik sa BSP.
Sa lahat ng sangay ng bangko sa bansa ay pwedeng tumanggap ng lumang pera para palitan ng mga bago.
Para naman sa mga Overseas Filipino Worker, kailangan mag-register sa website ng BSP (www.bsp.gov.ph) at maaring papalitan ang mga lumang pera ng hanggang sa December 31, 2017.