Hindi inirekomenda ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang tuluyang pagpapasara ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) taliwas sa unang naging rekomendasyon ng Senate Committee on Ways and Means na palayasin na sa bansa ang mga POGO.
Ang dalawang komite ang nagsagawa ng joint hearing para imbestigahan ang mga benepisyo at epekto ng POGO.
Ayon kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa, Chairman ng Committee on Public Order, inirerekomenda ng kaniyang komite na ipagpatuloy ng mga POGO ang kanilang operasyon pero sa ilalim ng mahigpit na regulasyon at sa mga kontroladong lugar tulad ng economic zone.
Naniniwala ang senador na kung nakapaloob sa isang kontroladong lugar ang mga POGO ay mababantanyan ng husto ang mga aktibidad at maiiwasan ang mga krimen na may kaugnayan sa mga POGO.
Naunang lumagda si Dela Rosa sa draft committee report ng Ways and Means Committee na pinamumunuan ni Senator Sherwin Gatchalian pero may reservation siya rito.
Sa kanyang reservation, iminungkahi niyang gawing gradual o onti-onti ang pagpapaalis ng mga POGO sa bansa bilang konsiderasyon na rin sa mga matitinong POGO investors at sa mga mawawalan ng trabaho.