Ipinakokonsidera ni Deputy Speaker at 1PACMAN Partylist Rep. Michael Romero sa pamahalaan ang muling pagbubukas ng turismo at retail sector para sa mga banyaga at nagbabalik na Overseas Filipino Workers (OFWs) sa bansa.
Ayon kay Romero, ang mga vaccinated na dayuhan at mga OFWs ay maaaring himukin at pahintulutan na bumiyahe sa Pilipinas upang mabuksan muli ang tourism at leisure establishments pati na ang retail sector.
Sa ganitong paraan aniya ay makakabalik na sa trabaho ang mga Pilipino at makakabawi na rin kahit papaano ang ekonomiya ng bansa.
Paliwanag ng mambabatas, nasa isang bilyong katao na sa buong mundo ang nakatanggap ng 2 doses ng COVID-19 vaccine.
Punto pa ni Romero, kailangang maging proactive na ng pamahalaan at kumilos na sa halip na maghintay kung kailan matatapos ang pandemya lalo pa’t ang Pilipinas na ang bansang may pinakamahabang panahon ng lockdown sa buong mundo.
Upang matiyak naman ang kaligtasan ng mga papasok na turista at mga returning overseas Filipinos, kailangan ng mga ito na magpresenta ng valid vaccination card at isailalim muli sa RT-PCR test.