Isinusulong sa Pangasinan ang pagdedeklara ng Motorcycle Tourism bilang niche-tourism sector, kasunod ng pagiging accessible ng mga tanawin at pasyalan saan mang panig ng lalawigan sa pamamagitan ng pagmomotor.
Ayon kay Pangasinan Vice Governor Mark Lambino, magbibigay ng mas maraming oportunidad sa turismo ang naturang sektor kalakip ng masusing pag-aaral, pagpaplano at pagsuporta ng mga lokal na pamahalaan habang pinapanatili ang kaligtasan ng mga motorista.
Kaugnay nito, pag-aaralan rin ng Pamahalaang Panlalawigan at ilan pang kaugnay na ahensya ang pagpapatayo ng mga motorcycle-friendly na imprastraktura, ruta, at iba pang serbisyo.
Sa ilalim nito, inaasahan ang ligtas na pagbiyahe sa mga natatanging pasyalan sa Pangasinan at pagbibigay ng kaukulang pasilidad para sa kapakanan ng mga rider, na itinuturing na tourism customers, para sa mas ikauunlad pa ng turismo sa lalawigan.






