*Cauayan City, Isabela- *Isa sa laman ng Comprehensive Land Use Plan (CLUP) ng Lungsod ng Cauayan ay ang pagpapatayo ng bagong Cityhall sa Brgy. San Luis, Cauayan City, Isabela.
Ito ang inihayag ni Sangguniang Panlungsod Edgardo “Egay” Atienza, ang Chairman ng Committee on Labor and Economic Enterprises at Chairman ng Committee on Land Use Urban Development and Housing na kabilang ito sa masterplan ng Cauayan City mula sa ngayong taon hanggang sa taong 2027.
Una rito ay naka hingi na umano ng donasyon si City Mayor Bernard Dy mula sa San Miguel Corporation ng limampung ektarya na pagpapatayuan para sa gagawing bagong Cityhall ng Cauayan dahil wala na umanong sapat na espasyo sa kasalukuyang munisipyo.
Layunin rin umano nito na mailapit ang kanilang serbisyo para sa mga nasa malalayong lugar na nahihirapang magtungo dito sa Poblacion area.
Umaasa naman si Councilor Atienza na maaprubahan ang kanilang masterplan para sa ika-uunlad ng Lungsod ng Cauayan at para na rin umano sa magandang kinabukasan ng mga Cauayenos.
Samantala, maigting rin umano ang kanilang koordinasyon sa DPWH upang mapabilis at matapos na ang kanilang isinasagawang road widening sa national highway bilang parte na rin umano ng unti-unting pag-unlad ng Lungsod ng Cauayan.