Kinalampag ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) ang Local Government Units (LGUs) na maghanap ng mga pasilidad ng gobyerno na maaaring pansamantalang gawing isolation at quarantine facility.
Ito ay sa harap na rin ng patuloy na paglaban ng gobyerno sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Cabinet Secretary Cabinet Karlo Nograles, batay sa inaprubahang resolusyon ng IATF-MEID, ang temporary quarantine at isolation facility gagamitin para sa mga pasyenteng inoobserbahan o ginagamot dahil sa COVID-19.
Sinabi ni CabSec. Nograles na sakop ng direktiba ang provincial, city, municipal hanggang barangay level, pati na ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Nabatid na inaasahang maglalabas ng guidelines ang Department of Interior and Local Government (DILG) hinggil dito.
Bukod rito, inatasan din ng gobyerno ang Government-Owned and Controlled Corporations (GOCC) na maghanap ng government facility para magamit bilang temporary isolation at quarantine facility.