Pagpapatigil sa pagpapadala ng mga Pinoy workers sa abroad, ikinabahala

Manila, Philippines – Bagaman pinapurihan ang makabayang layunin ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa kautusan na bawasan ng 90% ang deployment ng mga manggagawa sa ibang bansa, lubha namang ikinabahala ito ng isang grupo ng labor advocates na nagsusulong ng kapakanan at interes ng mga manggagawang Pilipino na nais makapangibang-bansa upang kumita nang mas malaki para sa kanilang mga pamilya.

Partikular na tinukoy ng Lilac Center for Public Interest, ang grupong nagsusulong ng proteksiyon at kapakanan ng mga OFWs, ang pagbabawal sa deployment ng mga karpintero, welders, plumbers at mga electrician sa ibang bansa.

Ayon sa grupo kung nais ni Labor Secretary Silvestre  Bello III na mapunan ang mga trabahador sa “Build Build Build” Program ng pamahalaan, dapat pagtuunan ng pansin ng kalihim ang 3.34 milyong under-employed workers sa sektor ng serbisyo at ang  2.3 milyon na tambay o walang trabaho at hindi yaong mga skilled workers.


Ayon pa sa Lilac, kung pipigilan na makapangibang-bansa ang 90% ng mga manggagawang Pilipino, mapupuwersa sila na gumamit ng mga illegal na paraan upang makalabas ng Pilipinas na magreresulta sa pagdagsa ng mga illegal OFWs.

Sabi naman ni dating Labor Undersecretary and Spokesman Nicon Fameronag, sa halip na ipatupad ang labag sa batas na polisiya dapat ay bantayan ng DOLE ang mga kumpanyang nag-e-empleyo ng mga Chinese o iba pang dayuhan at alamin kung talagang walang manggagawang Pilipino na tumutugon sa rekisito ng trabaho.

Facebook Comments