Binatikos ng mga kongresista ang pagpapatuloy ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa umano’y status quo o “walang galawan” policy sa Ayungin Shoal kahit nanalo na ang Pilipinas sa arbitral court.
Sa hearing ng Kamara ay ibinunyag ni dating Executive Secretary Salvador Medialdea na sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Noynoy Aquino nabuo ang kasunduan sa dating defense secretary Voltaire Gazmin at noon ay Chinese Ambassador Ma Keqing.
Sabi ni Medialdea, nakapaloob sa kasunduan na tanging tubig at pagkain lamang ang pwedeng ipadadala sa mga sundalo na nasa BRP Sierra Madre na nakasadsad sa Ayungin Shoal at ito ay ipinagpatuloy lamang ng administrasyong Duterte.
Pero punto ni Special Committee on the West Philippine Sea Chairman and Mandaluyong City Rep. Neptali “Boyet” Gonzales II, kung totoo na mayroong usapan si Gazmin at Ma, ay lumalabas na pinabayaan ito ng administrasyong Duterte kahit na nanalo na ang Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration noong Hulyo 12, 2016.
Nagulat din si 1-RIDER Party-list Rep. Ramon Rodrigo Gutierrez sa naging hakbang ng administrasyong Duterte sa kabila ng panalo ng Pilipinas sa arbitral court.
Para naman kay Rep. France Castro ng ACT Teachers Party-list ang pahayag nina Medialdea, dating Defense Secretary Delfin Lorenzana at dating National Security Adviser Hermogenes Esperon na walang gentleman’s agreement ay nagpapasinungaling sa sinasabi ng China.