Cauayan City, Isabela- Abala ngayon ang PNP Highway Patrol Group na nakabase sa Lungsod ng Cauayan sa pagpapatupad ng Anti-Carnapping at Anti- Fencing Law.
Ito ang ibinahaging impormasyon ni PMaj Rey Sales, provincial officer ng HPG Isabela sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.
Ibinahagi nito na wala namang gaanong naitalang kaso ng pangangarnap sa kanilang nasasakupan o sa Lalawigan subalit mainam pa rin na mapigilan ang posibleng pagkakaroon ng ganitong insidente lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Ipinapatupad aniya nila ang Anti Carnapping at Anti-Fencing Law upang maiwasan ang insidente ng pangangarnap at mahuli’t mapanagot ang sinumang indibidwal na sangkot sa motor at carnapping.
Bilang bahagi ng kanilang ipinapatupad ay nagsasagawa ng surprise inspection ang mga kasapi ng Highway Patrol Group sa mga nagbebenta ng segunda manong sasakyan o motorsiklo upang matiyak na hindi nakaw ang mga ito.
Tiniyak naman ni PMaj na mapapanagot ang sinumang mapatunayan na lumabag sa nasabing batas maging ang mga tumatangkilik ng karnap na behikulo.
Ibinahagi rin ni PMaj Sales na maraming nakatenggang karnap na sasakyan at motoriklo sa kanilang hanay at nakikipag-ugnayan na ang kanyang mga tauhan sa mga nagmamay-aring kumpanya para sa tamang disposisyon.
Samantala, nakatakdang mamigay sa mga susunod na buwan ng libreng helmet ang HPG sa mga mahihirap na motorista bilang tulong ngayon panahon ng krisis.
Limitado lamang aniya ang kanilang ipamimigay kaya’t pili lamang ang mga bibigyan.
Pagtitiyak naman ni PMaj Sales na pasado sa standard ng Land Transportation Office (LTO) ang kanilang ipamimigay na helmet.