Thursday, September 17, 2026

Pagpapatupad ng impeachment court sa sub judice rules, dapat patas at para sa lahat

Marapat na gawing patas ng impeachment court ang pagpapatupad ng sub judice rules sinuman ang tamaan nito.

Pahayag ito ni House Prosecution Legal Spokesperson Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr. makaraang i-anunsyo ni Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero na isyuhan ng show-cause orders ang ilang miyembro ng House prosecution panel dahil paglabag sa sub judice rule.

Giit ni Tolosa, dapat pagtuunan din sa implementasyon ng sub judice rule ang mga nagbibigay ng pahayag na umaatake sa integridad ng impeachment court sinoman o anu man ang posisyon nito.

Tugon ito ni Tolosa ng hingan ng reaksyon sa mga pahayag ni Vice President Sara Duterte na bias o may kinikilingan ang ibang senator-judges.

Wala namang binanggit si Tolosa na aksyon na dapat gawin ng impeachment court laban kay VP Sara pero sana aniya ay sitahin ito.

Ayon kay Tolosa na nasa kamay pa rin ng impeachment court ang pagpapasya kung ang isang pahayag ay lumalabag sa mga patakaran kaugnay sa impeachment proceedings.

Facebook Comments