Pagpapatupad ng Liquor Ban sa Isabela dahil sa COVID-19, Hiniling sa mga Alkalde

*Cauayan City, Isabela*- Hinihikayat ngayon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela ang lahat ng mga alkalde na magpatupad ng liquor ban sa kabila ng umiiral na enhanced community quarantine sa buong Luzon.

Batay ito sa nakasaad sa ginawang pagpupulong ng inter-agency, inter-league at local councils.

Ayon kay Provincial Information Officer Elizabeth Binag, ito ay nakapaloob sa mass gathering at social distancing para na rin maiwasan ang posibleng pagkalat ng COVID-19.


Nakasaad din sa ipinalabas na kasunduan na hindi na papahintulutan ang pagkakaroon ng funeral march o prusisyon sa libing patungo sa sementeryo habang ang pagbabasbas sa mga labi ng mahal sa buhay ay nakadepende sa pari, pastor at miyembro ng religious sector.

Ang pagdaraos ng kasal, binyag at reunion ay hindi imumungkahi subalit depende ito sa alkalde kung magpapatupad ng nasabing pagbabawal at kung sakali man na payagan ay inaabisuhan na gawin ang ilang precautionary measure at tiyakin na umiwas sa gala o boda dance, paghahawak kamay at beso-beso.

Sa kabila nito, paiigsiin ang bilang ng araw ng burol para maiwasan ang pagsusugal bagay na dadagsain ng ilang residente.

Magbibigay naman ang lahat ng alkalde, kapitan ng barangay at pamahalaang panlalawigan ng tulong pinansyal para sa pamilyang nawalan ng kaanak.

Facebook Comments