Pagpapatupad ng National ID system, pinamamadali na ni Pangulong Rodrigo Duterte

Pinamamadali na ni Pangulong Rodrigo Duterte sa National Economic Development Authority (NEDA) ang pagpapatupad ng National ID system.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, target kasi ng pamahalaan na maisama na sa national database ang lahat ng mga Pilipino pagdating ng taong 2022.

Bukod rito, nakita rin aniya ng Pangulo ang kahalagahan ng ID system sa gitna ng pandemiya lalo na sa aspeto ng pamamahagi ng mabilisang ayuda sa mga biktima ng iba’t-ibang uri ng kalamidad, mga sakuna at health crisis.


Giit ni Roque, kung naipatupad sana ng mas maaga ang National ID system, di maaantala ang pamamahagi ng tulong sa mga Pilipino at di nabahiran ng katiwalian ang pamimigay nito.

Sa ngayon ay inuuna ng pamahalaan na mailagay sa national database ang limang milyong mga Filipino households at target itong matapos ngayong taon.

Facebook Comments