Pinag-aaralan na ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno ang pagpapatupad ng Single Ticketing System na binuo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Land Transportation Office (LTO) at Local Government Units (LGUs).
Sa ikatlong Technical Working Group (TWG) meeting na dinaluhan nina MMDA acting Chairman Romando Artes, Assistant Secretary Jose Arturo Jay Art Tugade, at ilang kinatawan ng TWG ng Metro Manila LGUs, napag-usapan sa pagpupulong ang iba’t ibang mga paglabag at penalties sa Metro Manila na target na maging isahan o magkakatulad na lamang.
Paliwanag pa ni Artes na natalakay rin ang ilang concerns sa due process ng mga motoristang mahuhuli, at Data Privacy issues.
Dagdag pa ni Atty. Artes na ang naganap na TWG meeting ay mahalaga para maisakatuparan ang Single Ticketing System sa Metro Manila.
Aniya, pabor naman in principle ang halos lahat ng local chief executives ng Metro Manila para sa nasabing sistema.
Kung maipapatupad ang Single Ticketing System, magiging parepareho na ang halaga ng multa sa mga paglabag sa batas trapiko gaya ng disregarding traffic sign, illegal parking attended at unattended, number coding scheme, at iba pa.