Bantag, hindi sumipot sa preliminary investigation ng DOJ

Hindi dumalo si suspended Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag sa preliminary investigation ng Department of Justice (DOJ) kaugnay sa double murder case hinggil sa pagkamatay nina Percy Lapid at Jun Villamor.

Sa halip ay ang abogado nito na si Atty. Rocky Balisong ang sumipot kung saan makalipas dumalo rin ang aminadong gunman na si Joel Escorial na bantay sarado ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI).

Kaugnay nito, hindi rin sumipot ang isa pa sa pinadalhan ng subpoena at isinangkot din sa krimen na si BuCor Deputy Security Officer Superintendent Ricardo Zulueta at wala rin siyang ipinadalang abogado.


Hindi naman pinayagan ang mga media na makapasok sa loob ng justice hall na pinagdausan ng pagdinig, pero nabatid na dumalo sa pagdinig ang mga testigong inmate via zoom.

Subalit ipinagpaliban o ni-reset ang pagdinig matapos maghain ng manifestation si Atty. Balisong dahil ang nakasulat na middle name ni Bantag sa subpoena ay Soriano, sa halip na Quitaleg kaya hindi muna sila naghain ng counter affidavit.

Itutuloy na lamang ang pagdinig sa nasabing kaso sa December 5, 2022 pero ayaw kumpirmahin ni Atty. Balisong kung dadalo o haharap na ba ng personal si Bantag.



Facebook Comments