*auayan City* – Nakahanda nang ipatupad dito sa Lungsod ng Cauayan ang Universal Health Care (UHC). Ito ang naging pahayag sa panayam ng iFM Cauayan City ni Mr. Jay Ar de Guzman, Clerk Officer ng PhilHealth Cauayan.
Naunang target ng ahensiya na ipatupad ang UHC ngayong Setyembre ngunit nabinbin dahil sa hindi pa dumarating ang Implementing Rules and Regulations (IRR) nito.
Dahil dito ay sa unang bahagi na ng 2020 ang pagpapatupad sa naturang proramang pangkalusugan ng pamahalaan na layuning maging miyembro ang lahat ng Pilipino.
Nangangahulugan na mababawasan ng malaki kung hindi man maging libre ang hospitalization ng mga Pilipino.
Ayon kay Mrs. Aileen Lim, Social Insurance Officer ng PhilHealth, magtatalaga sila ng kanilang mga tauhan sa mga hospital na siyang magsasagawa ng interview at assessment sa mga pasyente para matukoy kung ang mga ito ay indigent.
Nilinaw pa ng Social Insurance Officer na maaaring gawing miyembro agad ang isang pasyente sa hospital kapag natukoy na hindi pa ito kasapi.
Magkakaroon narin umano ng access sa full spectrum ng healthcare.
Hinihikayat ng PhilHealth na kasabay sa pagpapatupad ng UHC ay hindi na kailangang hintayin pa ng ating mga kababayan na dapuan sila ng sakit.
Dagdag pa ni Mrs. Lim, kung may nararamdaman na o nais agapan ang sakit na maaaring dumapo sa kanila ay maaari na silang kumunsulta sa partner health care provider o hospital dahil isa ito sa maaaring tamasain sa ilalim ng bagong programang pangkalusugan.
Sa ngayon ay inaayos na ng Philhealth ang acrreditation ng ilang hospitals at iba pang health care providers para mas maayos na maipatupad ang UHC dito sa lungsod ng Cauayan.