Pagpapauwi sa 500 OFWs na nasa mga shelter sa Saudi Arabia, tinututukan na ng gobyerno

Humihingi ng tulong sa gobyerno at gusto nang makauwi rito sa Pilipinas ang may 500 Overseas Filipino Workers (OFWs) na ngayon ay nananatili sa shelters sa Kingdom of Saudi Arabia (KSA).

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Atty. Hans Leo Cacdac ng Department of Migrant Workers (DMW) na karamihan sa mga OFW na ito ay mga household service worker.

Ayon sa opisyal, ito ang pinakamalaking dahilan ng pag-alala ngayon ni DMW Secretary Susan Toots Ople, matapos makita ang sitwasyon at makausap ang mga OFW sa shelters.


Kaya naman agad aniyang inatasan ni Secretary Ople ang Philippine shelters na ayusin at paghusayin ang kanilang pasilidad, pagpapaabot ng tulong medical at pagkain at ang pagproseso sa pagpapauwi rito sa bansa ng mga nasabing OFW.

Sinabi pa ni Cacdac, isa sa napag-usapan ni Sec. Ople at kaniyang counterpart na si Labor Minister Al Rajhi ay dapat bigyang daan ang pagpapauwi rito sa bansa ng OFW na may reklamo sa kontrata at may reklamo ng pang-aabuso.

Giit umano ni Secretary Ople na walang sinuman ang makapipilit sa isang tao na magtrabaho lalo na sa ibang bansa kung umaayaw na ito dahil maikokonsidera na ito bilang slavery.

Facebook Comments