Cauayan City, Isabela- Itutuloy na ngayong araw, Hulyo 08, 2020 ng pamahalaang lokal ng Quezon ang pagpapauwi sa mga Locally Stranded Individuals (LSI’s) na galing sa National Capital Region at sa iba pang panig ng bansa.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Mayor Jimmy Gamazon ng Quezon, marami aniya ang inaasahang darating at uuwi sa kani-kanilang tahanan ngayong bubuksan muli ang hatid sundo program para sa mga LSI’s.
Magugunita na pansamantalang itinigil ang naturang programa dahil sa kakulangan ng mga quarantine facilities, rapid at swab test kit.
Ayon pa kay Mayor Gamazon, natapos na ang kanyang ipinagawang karagdagang pasilidad at nakahanda na itong gamitin ng mga uuwing LSI’s.
Bagamat marami aniya ang hindi pabor sa Balik Probinsya program ng pamahalaan subalit kinakailangan aniya na unawain ang sitwasyon ng mga LSI’s dahil mas mahirap kung pababayaan lamang ang mga ito.
Nananawagan rin sa mga kababayan ang alkalde na huwag mangamba dahil lahat naman aniya ng mga umuuwing LSI ay dumadaan sa istriktong health protocol.
Samantala, nagtapos na kagabi ang apat (4) na araw na lockdown sa barangay Barucboc at San Juan na ipinahintulot ng Regional Inter Agency Task Force para sa contact tracing at swabbing ng mga kinauukulan sa mga naging close contact ng dalawang panibagong nagpositibo sa virus na mula sa mga nabanggit na lugar.
Tiniyak lamang ng alkalde na hindi maikalat ang virus kaya’t agad itong nagpatupad ng apat na araw na lockdown na kung saan ay nagnegatibo lahat sa swab test ang mga nakasalamuha ng dalawang nagpositibo.
Bago pa umano ipinatupad ang lockdown ay nakapamahagi na ng mga relief goods ang LGU sa mga residente sa lugar.