Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, hindi na kailangang magpasa ng batas ang Kongreso para ma-exempt sa buwis ang milyon-milyong pisong mga premyo ni Olympic Gold Medalist Hidilyn Diaz.
Pagtutuwid ito ni Drilon sa pahayag ni Presidential Spokesman Harry Roque na kailangan ng batas para hindi mapatawan ng income tax ang mga premyo ni Hidilyn.
Diin ni Drilon, nakasaad sa Republic Act 10699 na ipinasa noong Aquino administration na ang lahat ng prizes at awards sa mga atleta ay exempted sa income tax.
Tinukoy ni Drilon na nagsalita na rin ang Bureau of Internal Revenue (BIR) kontra sa pahayag ni Roque.
Si Hidilyn ay nakatakdang tumanggap ng 10 milyong piso mula sa gobyerno bilang insentibo sa pagsungkit niya ng gold medal sa Tokyo Olympics habang milyon-milyong piso rin ang inaasahang matatanggap niya mula sa mga nasa pribadong sektor.