Pagpasok ng mga kotse at motorsiklo sa Manila North Cemetery, bawal na

Manila, Philippines – Ipinagbabawal ng Manila North Cemetery ang pagpasok ng mga kotse at motorsiklo sa sementeryo ngayong Undas.

Ayon kay administrator Daniel Tan ng Manila North Cemetery, hanggang sa kanto ng Blumentritt na lang malapit sa pasukan ng sementeryo ang mga sasakyan.

Mula sa gate ng sementeryo, may mga libreng electronic tricycles o e-trike na puwedeng sakyan ng mga taong bisita sa puntod.


Aabot sa 100 E-trike ang handang magserbisyo magdamag kung saan ang isang e-trike ay kayang magsakay ng hanggang sampung tao.

Umiikot-ikot lang rin ang e-trike sa loob ng sementeryo kaya maaari ring mag-abang ang mga tao ng masasakyan kapag sila ay lalabas na.

Ang mga e-trike ay ipinahiram ng Manila City Hall at bukod dito, may 100 wheelchair din ang handang magserbisyo sa mga matatanda at mga may kapansanan.

Facebook Comments