Pag-pressure kay Pharmally Executive Krizel Grace Mago, itinanggi ng mga senador

Iginiit ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na walang nag-pressure kay Pharmally Pharmaceutical Corporations Executive Krizel Grace Mago na aminin sa pagdinig ng Senado na na-swindle o ginantso nila ang gobyerno matapos kumpirmahin na pinalitan nila ang production date ng kanilang ibinentang face shields.

Sabi ni Drilon, nasa video ang naging pahayag ni Mago kung saan under oath ito at spontaneous o kusang umamin.

Sabi naman ni Blue Ribbon Committee Chairman Senator Dick Gordon, ano pa aasahan kay Mago na nasa sentro ng Pharmally at sa pag-protekta sa interes ng administrasyon.


Diin naman ni Senator Koko Pimentel masisira na ang credibility ni Mago dahil sa pagbaligtad nito ng mga testimonya kaya mapagdududahan na anuman ang sasabihin nito.

Paliwanag pa ni Pimentel, ang senate hearing ay remote o online kung saan wala namang kasama si Mago na taga-senado, taga-Senate Blue Ribbon Committee o senador para siya ay ma-pressure.

Naniniwala naman si Senator Risa Hontiveros na kung mayroon mang nagpe-pressure kay Mago, yun siguro ang isang napakamakapangyarihang pwersa para lang bawiin ang kanyang mga naunang sinabi.

Para naman kay Senator Kiko Pangilinan, si Mago ay isang rehearsed witness na ang layunin ay kaisa sa layunin ng mga opisyal ng Pharmally at ni Michael Yang at yun ay ang magsinungaling at magbaluktot ng testimonya kahit huling-huli na.

Facebook Comments