Hindi muna papayagang magpunta ang mga hindi residente ng bayan ng Agno sa mga establisyemento rito dahil pa rin sa banta ng COVID-19.
Sa ilalim ng Executive Order No. 47- S. of 2021 ay nagsimula na noong Setyembre a-kinse at magtatagal naman hanggang sa katapusan ikatatlumpu ng Setyembre, ang pagbabawal muna sa mga hindi taga-Agno na magpupunta at bibisita sa mga establisyemento sa bayan.
Ang hakbang na ito ng LGU ay upang malimitahan at mabawasan ang mga taong dumarayo sa bayan para ma-obserba at hindi na muling makapagtala ng mga kaso ng COVID-19 sa bayan.
Samantala, malugod namang ipinapaalam ng lokal na pamahalaan sa publiko na ang labing limang pasyenteng nagpositibo sa sakit ay gumaling o clinically-recovered na ngayong araw.
Kaugnay pa nito, patuloy pa rin ang paalala ng LGU na sumunod sa mga patakaran dahil para naman umano sa kapakanan ng lahat ang mga ito.