Pinare-regulate nila House Deputy Minority Leader Carlos Zarate at Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite ang ATM transaction fees.
Ito ay kasunod na rin ng pinangangambahang pagtaas ng singil sa mga transaksyon sa ATM matapos alisin ang moratorium sa dagdag singil sa mga ATM fees.
Dahil dito, maghahain ang mga kongresista ng panukalang batas para atasan ang Kongreso na magpataw ng standard rate sa mga transaction fees sa mga ATMs upang maiwasan ang sobrang singil sa paggamit ng nito.
Oobligahin ang pagpapaskil ng singil at iba pang charges sa ATM transactions upang alam agad ng publiko bago pa man sila mag-withdraw o balance inquiry.
Pagpapaliwanagin din ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) kaugnay sa pagpayag na magtaas ng ATM fees ang mga bangko.
Nauna kasing pinayagan ng BSP ang mga bangko na magpataw ng nais na transaction fee kaakibat na matutumbasan ito ng maayos na delivery ng serbisyo at magiging transparent sa publiko.
Noong 16th Congress ay inihain ng Bayan Muna ang House Bill 2105 o pagpigil sa pagtaas ng ATM charges ngunit hindi umusad ang panukala sa Kamara.