Cauayan City, Isabela- Isinusulong ng City Government ng Ilagan ang pagrehistro ng mga Ilagueño maging ang mga manggagaling sa ibang lugar na papasok sa Lungsod.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Paul Bacungan, Information Officer ng City of Ilagan, mayroon nang ipinatutupad sa kanilang Lungsod bilang bahagi ng pagsasagawa ng contact tracing sa online gaya ng pagrerehistro sa HealthGuard para makakuha ng QR Code.
Aniya, kinakailangan pa rin na magrehistro sa nasabing contact tracing application kahit na mayroong QR Code na ginawa mula sa ibang bayan o lungsod.
Sa ngayon ay nasa mahigit 37 libong Ilagueño na aniya ang nakarehistro sa HealthGuard QR Code kung saan ay pwede pa rin aniyang makapagrehistro sa HealthGuard ang mga hindi naka smartphone.
Maaari aniyang bisitahin ang kanilang FB Account para malaman ang proseso sa pagrerehistro sa nasabing application at pwede rin aniyang magpaasiste sa mga staff ng City hall kung kinakailangan.
Samantala, plano ng pamahalang lokal ng Ilagan na irekomenda sa buong rehiyon maging sa buong bansa ang nabuong application para maging modelo sa pagsasagawa ng contact tracing sa pamamagitan ng online.