Pagrepaso at posibilidad na suspindehin ang pansamantalang suspensyon sa payment claims sa mga healthcare providers ng PhilHealth, hiniling ng Kamara

Hinihikayat ng Kamara ang Philippine Health Insurance Corporation o Philhealth na repasuhin at aralin ang pagsuspinde sa kontrobersyal na PhilHealth Circular 2021-013 o ang Temporary Suspension of Payment Claims (TSPC).

Sa pagdinig ng House Committee on Health na pinamumunuan ni Quezon Rep. Angelina “Helen” Tan, nagharap ang samahan ng mga pribadong ospital at ang PhilHealth kung saan hindi naiwasang madismaya ang mga kongresista sa ipinatupad ng PhilHealth na pansamantalang suspensyon sa pagbabayad ng claims sa mga healthcare provider.

Dahil dito, nagmosyon si Health Committee Vice Chair at Nueva Ecija Rep. Estrellita Suansing para atasan ang PhilHealth na i-review at aralin ang posibleng pagsuspinde sa nasabing kautusan.


Giit ni Suansing, hindi ito ang tamang panahon para ipatupad ang bagong TSPC ng state health insurer lalo na at nasa gitna ng pandemya ang bansa.

Hindi kasi aniya malayo na magsara ang mga ospital kung itutuloy ang pagpapahinto sa pagbabayd ng claims sa mga healthcare providers na iniimbestigahan sa umano’y fraudulent claims.

Muli namang nanindigan ang PhilHealth na ang pagpapatupad sa TSPC ay upang maprotektahan lamang ang actuarial life ng pondo ng state health insurer.

Facebook Comments