Pagrepaso sa minimum wage rates, pinamamadali ng isang senador

Kasabay ng Labor Day ay nanawagan si Senador Risa Hontiveros na bilisan ang pagrepaso sa mga petisyon na may kinalaman sa pagtataas ng regional minimum wage rate.

Ayon kay Hontiveros, ang take home pay ng minimum wage earners ay hindi na sasapat ngayong dahil sa mabilis na pagtaas ng presyo ng pagkain, transportasyon at mga public utility sa nakalipas na tatlong taon.

Diin ni Hontiveros, anumang delay sa paglalabas ng desisyon ukol sa minimum wage ay pwedeng magdulot ng kagutuman o kawalan ng pag-asa sa mga manggagawa na makaahon sa patong patong na bayarin.


Pinaalala ni Hontiveros na noon pang Marso sinabi ng Department of Labor and Employment (DOLE) na susuriin nito ang minimum wage sa gitna ng tumataas na presyo ng produktong petrolyo.

Sa kasalukuyan, ang minimum na sahod sa Metro Manila ay nasa P537 at mas mababa sa iba pang rehiyon.

Facebook Comments