Pinamamadali ni Senator Jinggoy Estrada ang pagbibigay ng solusyon sa krisis sa enerhiya na nararanasan ngayon sa Panay Island.
Kasalukuyan ngayon ang power outage sa buong Western Visayas, matapos na mag-shutdown ang Unit 1 ng Panay Energy Development Corporation (PEDC) coal-fired power plant.
Dahil sa lawak ng abala ng power disturbance sa buong lalawigan, hindi lamang ang mga kabahayan doon ang apektado kundi pati nagparalisa rin ito sa operasyon ng mga negosyo, ospital at sa iba pang mahahalagang serbisyo na nakadepende sa maaasahan na power source.
Giit ni Estrada, mahalagang maresolba agad ang problema ng mabilis at epektibo kaya kinalampag ng senador ang mga kaukulang ahensya ng gobyerno, mga power utilities at iba pang stakeholders na iprayoridad at madaliin ang pagsasaayos ng suplay ng kuryente sa Panay Island.
Sinabi ni Estrada, na nakalulungkot dahil tumambad sa mga kababayan sa Western Visayas ang problemang ito ikalawang araw matapos ang pagpapalit ng taon.
Hiling ng senador, na madaliin ang pagresolba sa power crisis at huwag hayaan na tumagal pa ng isang araw ang nasabing problema.