Pagresponde ng Militar sa Umano’y Extortion Activity ng NPA, Nauwi sa Enkuwentro

Cauayan City, Isabela- Nauwi sa palitan ng putok ng baril sa pagitan ng tropa ng 17th Infantry Battalion ng 5th ID, Philippine Army at New People’s Army (NPA) makaraang tumugon ang tropa ng pamahalaan sa sumbong ng sibilyan kaugnay sa ginagawang pangingikil ng mga rebelde partikular sa Barangay Masi, Rizal, Cagayan.

Ayon kay 1st Lieutenant Loyd Orbeta, tagapagsalita ng 17th IB, tumagal ng halos sampung minuto ang nangyaring enkuwentro sa pagitan ng militar at hindi matukoy na bilang ng mga armadong grupo.

Wala naman aniyang naitalang casualty sa panig ng pamahalaan habang sa grupo ng mga rebelde na umatras matapos ang sagupaan ay nakapagtala ng mga sugatan base na rin sa mga nakitang buhat ng mga NPA.


Ayon naman sa kanilang Commanding Officer na si LTC Angelo Saguigit, kasalukuyan pa ang kanilang ginagawang hot pursuit operation laban sa mga nakasagupang NPA.

Facebook Comments