Pagsabog ng Gulong ng Pampasaherong Jeep sa Gamu Isabela, Dalawang Pasahero-Sugatan!

Gamu, Isabela – Sugatan ang dalawang pasahero ng jeep matapos na sumabog ang gulong ng kanilang sinakyan at mabunggo ng sumusunod na trailer truck kahapon sa Brgy. Barcolan, Gamu, Isabela.

Ayon kay SPO2 Louie Panangi, imbestigador ng PNP Gamu, itinakbo kaagad sa pinakamalapit na pagamutan ang dalawang sugatan na sina Rochelle Valdez Sikimin, residente ng Buenavista, Gamu at Zaldy Guzman Manzano ng District 2, Gamu, Isabela.

Aniya ang drayber ng jeep ay si Valentino Babaran Damagan na residente ng District 3, Gamu, Isabela samantala ang driver ng Isuzu truck ay si Georgeson Paggao Calle, tatlumpung taong gulang, may asawa, at residente ng San Juan, Cabagan, Isabela.


Giit pa ni SPO2 Panangi na sa kanilang isinagawang imbestigasyon ay parehong patungong norte ang dalawang sasakyan mula sa bayan ng Burgos at pagdating sa lugar ng pinangyarihan ay bigla umanong sumabog ang gulong ng jeep na huminto naman agad sa gitna ng daan.

Hindi naman agad napansin ng sumusunod na truck at hindi nakapagpreno kaya’t nabunggo nito ang likod na bahagi ng pampasaherong jeep.

Samantala naayos din ang magkabilang panig sa dahilang hindi naman umano sinasadya ang pagkakabangga sa jeep.

Facebook Comments