Pagsalubong sa Year of the Dog, Bibida sa SM City Cauayan

Cauayan City,Isabela – Nakatakdang idaos sa SM City Cauayan ng Nan Sing High School ang pagsalubong sa Chinese New Year ngayong darating na Biyernes, Pebrero 16 ganap alas dos ng hapon.

Ito ang nabatid ng RMN Cauayan News Team kay Miss Nancy Xu, tagapagsalita ng Nan Sing High School Cauayan.

Ayon kay Ms.Xu, ang pagsalubong sa year of the dog ngayong taon ay kapapalooban ng lion dance, mga tradisyunal na sayaw, carolling o pag-aawit ng mga Chinese songs at higit sa lahat ang gagawing Chinese Kung Fu.


Dagdag pa ni Ms.Nancy Xu na lahat umano ng mga guro, estudyante at Chinese community dito sa Cauayan ay may mga sariling partisipasyon sa nasabing okasyon.

Sa katunayan umano ay nagsagawa na sila ng lion dance at carolling sa ibat-ibang bayan dito sa Isabela bilang pagpapakita at pagpapaalala patungkol sa nalalapit na pagdiriwang.

Ipinaliwanag pa ng guro na ngayong taon gaganapin ang kanilang pagsalubong sa Year of the Dog sa SM City Cauayan bilang pagpapaunlak na rin sa imbitasyon ng pamunuan ng mall na doon idaos ang nasabing selebrasyon.

Inanyayahan naman ni Ms. Xu ang lahat na dumalo at makiisa sa gaganaping selebrasyon ng Chinese New Year sa SM City Cauayan upang masaksihan kung paano ipinagdiriwang ang pagsalubong sa Year of the Dog na pinaniniwalaang may hatid na swerte para sa lahat ngayong taon.

Facebook Comments