Pagsama kina Hidilyn Diaz at Gretchen Ho sa ouster plot matrix, kinwestyon ng mga senador

Tila humulas ang pagkabilib ng mga senador sa ouster plot matrix na inilabas ng malakanyang dahil sa pagkakasama dito ng mga atletang sina Gretchen Ho na TV host din at Hidilyn Diaz na weightlifter champion at ilang beses ng nagbigay ng karangalan sa bansa.

 

Ayon kay Senate President Tito Sotto III, kwestyunable ang pagkakasama nina Diaz at Ho sa matrix dahil wala siyang makitang paraan kung paano sila magiging bahagi ng planong pagpapatalsik kay Pangulong Rodrigo Duterte.

 

Para naman kay Senator Panfilo Ping Lacson, wala sa hulog ang matrix dahil bukod sa pagsangkot kina Ho at Diaz ay hindi rin kapani paniwala na magsabwatan ang grupong Magdalo ni Senator Antonio Trillanes, Liberal Party at partido Komunista ni Jose Maria Sison.


 

Ang nakita lang ni Lacson na tama sa matrix ay ang pagtukoy kay Joma Sison na 5-dekada nang nagnanais mapabagsak ang gobyerno.

 

Bunsod nito ay kinantyawan ni Lacson ang matrix na maaring bunga ng napakagaling na intelligence work o kaya ay napasok na ni bikoy ang National Security Agency.

 

Sabi naman ni Senator JV Ejercito, sa pagkakakilala nya kina Ho at Diaz na parehong tagumpay sa kanilang larangan ay imposible na makasama sila sa mga hakbang laban sa gobyerno.

 

Maging si Senator Sherwin Gatchalian ay hirap ding paniwalaan na ang TV host na si Ho ay makikisawsaw sa pagpapabagsak sa pamahalaan.

Facebook Comments