Pinag-aaralan na ng Department of Education (DepEd) kung maaaring magsagawa ng limited face-to-face classes sa mga itinuturing na “safe areas” mula sa COVID-19.
Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, masusi nila itong pinag-aaralan sa ngayon pero paniguradong hindi ito isusulong ngayong taon.
Paliwanag ng kalihim, hangga’t walang pronouncement hinggil dito si Pangulong Rodrigo Duterte ay mananatiling walang face-to-face classes.
Una nang sinabi ng Pangulo na hangga’t walang bakuna kontra COVID-19 ay walang magaganap na-face to-face learning at tanging blended learning lamang.
Samantala, hindi pa masabi sa ngayon ni Sec. Briones kung magkakaroon na ng physical classes pagsapit ng unang quarter ng 2021, dahil ito ay kinakailangan pang i-assess ng Department of Health (DOH) at ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).