Hinikayat ni Transportation Committee Chairman Edgar Mary Sarmiento ang Department of Transportation (DOTR) na ayusin ang mga sira ng MRT at LRT habang nasa ilalim ang buong Luzon sa Enhanced Community Quarantine.
Ayon kay Sarmiento, ngayon na tigil operasyon ang mga rail systems ay dapat na samantalahin ng ahensya ang pagkakataon para isagawa ang ‘full maintenance’ at pagsasaayos sa MRT3 at LRT 1 & 2 na hindi nakokompromiso ang kalusugan at kaligtasan ng kanilang mga tauhan.
Bukod sa pagsasaayos sa MRT at LRT ay isabay na rin aniya ang pagtatayo ng imprastraktura at pagsasapinal sa operational details ng panukalang centralized at synchronized bus dispatched system para sa maayos na daloy na trapiko sa EDSA.
Paliwanag ni Sarmiento, ang ECQ ay hindi lamang para mapigil ang pagkalat ng coronavirus kundi pagkakataon na rin na matapos ang mga kinakailangang pagsasaayos sa rail at transport system.
Kung sakali aniya na bumalik na sa normal ang pamumuhay ng mga Pilipino ay kasabay din nito ang maaayos na transportasyon para sa mga commuters at motorista.
Magkagayunman, hiniling din ni Sarmiento na dapat pa ring obserbahan ng mga repair at maintenance personnel ang biohazard protocols para makaiwas sa COVID-19.