Ipinanawagan na ni Senator Alan Peter Cayetano sa Senado ang pagkakaroon muli ng University of the Philippines College Admission Test o UPCAT.
Noong nakaraang linggo lang ay inanunsyo ng University of the Philippines (UP) na sa ikatlong pagkakataon ay suspendido ang college entrance exam para sa mga incoming freshmen students.
Sa manifestation ni Cayetano sa plenaryo, iginiit nito na hindi maaaring palaging nabibinbin ang entrance exam dahil pinakamalaking pondo ng mga State Universities and Colleges (SUCs) sa bansa ay napupunta sa UP.
Aniya, halos 1/4 o 23.41% ng budget ng lahat ng SUCs ay alokasyon para sa UP kaya malaki ang pondo ay mas malaking responsilidad ang nakaatang sa paaralan.
Sinabi ni Cayetano na ang pagkakabinbin sa UPCAT ay nangangahulugan ng pagsasantabi sa mga karapat-dapat na mag-aaral na bagama’t hindi nakakuha ng pinakamataas na marka ay may kakayahang makapasa sa entrance exam.
Kaugnay dito ay inihain ng senador ang Senate Resolution 157 na humihimok sa UP na mag-administer na ng UPCAT para sa Academic Year 2023-2024 upang maging holistic ang admission process ng unibersidad.