Pagsasahimpapawid ng Chinese radio program sa radio station ng gobyerno, binatikos ng isang Senador

Ikinabahala at binatikos ni Senator Risa Hontiveros ang pagsasahimpapawid ng Chinese radio program na “Wow China” sa Radyo Pilipinas 738 na AM station ng Philippine Broadcasting Service na nasa ilalim ng Presidential Communications Operations Office o PCOO.

Ayon kay Hontiveros, sa halip na gampanan ng PCOO ang mandato nito na tulungan ang mamamayang Pilipino ngayong may pandemic sa pamamagitan ng paglalahad ng mahalagang impormasyon ay binibigyan pa nito ng pagkakataon ang  programang nagpo-promote sa China at sa mga ideolohiya nito.

Tanong ni Hontiveros, inangkin na ng China ang West Philippine Sea at ngayon ay inaangkin na rin ba ang radyo ng gobyerno?


Para kay Hontiveros, ipinapakita nito ang kaipokrituhan ng gobyerno sa pagbatikos sa umano’y sosyo ng mga foreigner sa ilang media entities pero nagbibigay daan sa Chinese state propaganda gamit ang government radio station.

Diin ni Hontiveros, pagtataksil sa taumbayan na ipinagagamit ng PCOO ang airtime na binabayaran ng buwis ng bayan sa programang nagsusulong sa interes ng China.

Facebook Comments