Pabor si infectious disease expert Dr. Rontgene Solante na itaas sa Alert Level 2 ang COVID-19 alert system sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay Solante, may mga sinusunod na parameters o batayan ang gobyerno para sa pagtatas at pagbaba ng COVID-19 alert level at kung ang pagtaas ng mga kaso ay pasok sa indikasyon ay maaaring ikonsidera ang implementasyon ng moderate level na paghihigpit sa Metro Manila.
Aniya, makakatulong ang dagdag na paghihigpit upang hindi na mauwi sa kritikal ang sitwasyon ang COVID-19 sa rehiyon.
Dagdag pa ni Solante na posible talaga na muling sumirit ang kaso sa bansa sa pagpasok ng Omicron subvariants ngunit hindi pa rin dapat ikabahala ang higit sa 300 na kaso.
Matatandaang nauna nang sinabi ng Department of Health na posibleng iakyat sa Alert Level 2 ang COVID-19 alert system sa Metro Manila bunsod ng pagtaas ng kaso ng virus.