Binuweltahan ngayon ni Public Attorney’s Office (PAO) Chief Persida Rueda-Acosta si dating Health Secretary Janet Garin matapos ipag-utos ng Department of Justice (DoJ) na kasuhan sila dahil pa rin sa isyu ng Dengvaxia vaccine na pinaniniwalaang sanhi ng pagkamatay ng mga batang naturukan ng naturang bakuna.
Kahapon kasi kasabay ng paglabas ng DoJ panel ng resolusyon sa second batch ng Dengvaxia case ay sinabi ni Garin na recycled daw ang mga kasong isinampa sa kanila na kapareho sa unang batch ng Dengvaxia case.
Pero iginiit ni Atty. Acosta, na hindi raw ipag-uutos ng DoJ panel na pormal nang kasuhan sa korte si Garin at siyam na iba pa kung walang sapat at matibay na basehan sa isinampa nilang kaso.
Nanindigan din si Atty. Acosta na pare-pareho ang resulta ng otopsiya ng PAO Forensic Laboratory sa labi ng mga batang naturukan ng Dengvaxia vaccine.
Kahapon, nang ilabas ng DoJ panel ang resolusyon sa reklamo st kasama sa mga pinasasampahan ng kasong reckless imprudence resulting to homicide sa korte ang mga opisyal ng Food and Drug Administration (FDA), Research Institute for Tropical Medicine (RITM) at Sanofi Pasteur, Inc. (Sanofi).
Nag-ugat ang kaso sa pagkamatay ng walong bata na sinasabing naturukan ng Dengvaxia anti-dengue vaccine.