Manila, Philippines – Tuloy ang pagsasampa ng kaso ng pamilya Ravena sa suspek na nagpakalat ng scandal photos ni UAAP Most valuable player Kiefer Ravena ngayong gabi.
Ayon sa ama ni Kiefer na si Bong Ravena, inaayos na lamang nila ang lahat ng mga kakailanging dokumento para maiproseso ang kasong robbery extortion in relation to section 6 of Anti-Cyber Crime Act laban kay Kristoffer Monico.
Sinabi pa ni Bong Ravena na idadaan nila ang pagsasampa ng kaso sa due process hanggang sa umabot pa sa prosecutors office ang pagsasampa ng kaso.
Sa ngayon aniya, anumang mga negatibong komento patungkol sa kanilang anak ay babalewalain na lamang nila.
Mahalaga aniya sa ngayon ay maipakita nila ang suporta sa kanilang anak.
Naniniwala siyang biktima ang kanyang anak at hindi sya nagpasimula ng iskandalo.
Tiwala din daw si Bong Ravena na may hustisya silang makakamit sa kanilang anak.
Payo naman ni Bong Ravena sa lahat lalo na sa mga kabataan na mag-ingat sa cyber world o social media dahil nauuso ang panloloko at black mailing.
Maging aral aniya sa lahat ang nangyaring sa kanyang anak.