Hindi natuloy ang dapat sana’y inquest proceedings ngayong araw sa Iranian National na nanuntok, nanipa at namaso ng sigarilyo sa isang Pulis Puerto Galera, Oriental Mindoro.
Ayon kay Police Chief Inspector Dominador Madrid III, hepe ng Puerto Galera PNP, dumating sa Police Station ang pamilya ni Fereshteh Najafi Marbouye para ipaalam sa mga Pulis na dumaranas ito ng Bipolar Disorder.
Ito’y isang uri ng sakit sa pag-iisip na nagpapakita ng pabagu- bagong pag-uugali na kadalasan umanong nauuwi sa matinding depresyon at madalas humantong sa pagpapakamatay.
Dahil dito, dinala muna sa isang mental facility ang nasabing dayuhan habang isasailalim din ito sa pagsusuri ng mga doktor mula sa Munisipyo para kumpirmahin ang dinaranas nitong sakit umano sa pag-iisip.
Nahaharap si Marbouye sa kasong Direct Assault upon Person in Authority dahil sa ginawa nitong pambabastos at pananakit sa isang miyembro ng PNP.