Welcome para kay Senator Risa Hontiveros ang pagsasampa ng kaso ng National Bureau of Investigation (NBI) laban sa isang babaeng Immigration Officer (IO) na sangkot sa human trafficking ng mga Pilipino sa Cambodia.
Sinampahan ng mga kasong anti-trafficking, illegal recruitment, at graft and corruption ang immigration officer na hindi na muna pinangalanan ng mga awtoridad.
Ayon kay Hontiveros, ang paghahain ng kaso sa officers ng Bureau of Immigration (BI) ay isang napakahalagang hakbang para tuluyang matuldukan ang malawakang human trafficking sa mga Pilipino.
Aniya, matagal nang nabulgar sa mga pagdinig ng Senado na may ilang Chinese crypto scam syndicates ang nais na bumuo ng ‘all-Filipino team’ para sa kanilang criminal operations at hindi aniya ito papayagan na mangyari.
Pinuri rin ni Hontiveros ang NBI sa kanilang puspusang pagtatrabaho para agad mapanagot ang mga nakikipagsabwatan sa illegal recruiters at human traffickers.
Nagpasalamat din si Hontiveros sa mga testigo at sa victim-survivors ng crypto human trafficking sa Cambodia na naglakas-loob na magsiwalat ng kanilang mga kwento na naging batayan para sa pagsasampa ng mga kaso.