*Cauayan City, Isabela*-Pinaalalahanan ng Department of Interior and Local Government (DILG Isabela) na kinakailangang isapubliko ng bawat barangay ang pagkakakilanlan ng mga taong nabigyan ng tulong sa ilalim ng Social Amelioration Program ng Gobyerno.
Ito ay matapos magpalabas ng kautusan ang tanggapan ni DILG Sec. Eduardo Año.
Ayon kay Provincial Director Engr. Corazon Toribio, ang mga pangalan na isasapubliko ay dumaan sa ilang proseso bago nabigyan ng ayuda ang sinumang kabilang sa nasabing financial subsidy ng pamahalaan.
Paliwanag pa niya na hindi lingid sa kaalaman ng lahat ang sitwasyon ng mga opisyal ng barangay sa pagpili ng mga karapat-dapat sa ayuda dahil ilan sa mga ito ang nakaranas ng pambabatikos sa mga tao dahil di umano sa pagpili ng hindi naman dapat.
Samantala, maaaring patawan ng kasong administratibo ang mga opsiyal ng barangay na hindi magsasapubliko ng pagkakakilanlan ng isang beneficiaries dahil sa ilang kadahilanan.
Giit pa ni Toribio na mandato ito ng DILG na obligahin ang mga barangay na magpaskil ng pangalan sa mga lugar sa kanilang barangay na madaling makita ng tao.
Patuloy naman aniya ang gagawing pagtulong ng DILG para sa mga hinaing ng publiko kaugnay sa mga nabenepisyuhan na ng nasabing ayuda.