Pagsauli ng US sa Balangiga Bells, pinasalamatan ng Senado

Nagpahayag ng pasasalamat ang Senado na makalipas ang 117 taon ay ibinalik ng gobyerno ng Estados Unidos ang Balangiga Bells sa Pilipinas.

Ang mensahe ng pasasalamat ay nakapaloob sa Senate Resolution No. 653 na ipinasa ng Senado na iniakda ni Sen. Richard Gordon kasama sina Senators Cynthia Villar, Risa Hontiveros, Ramon Bong Revilla, Joel Villanueva at Imee Marcos.

Ang Balangiga Bells ngayon ay nasa pangangalaga na muli ng San Lorenzo de Martir Parish Church sa Balangiga, Eastern Samar.


Base sa kasaysayan, tinangay ng mga sundalong Amerikano ang Balangiga Bells matapos nilang paslangin ang halos 10,000 mga Pilipino sa nabanngit na bayan noong panahon ng Philippine-American War.

Magugunitang noong 2017 State of the Nation Address ay iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa US government na ibalik ang Balangiga Bells na natupad noong December 11, 2018.

Binibigyang diin sa resolusyon na ang Balangiga Bells ay sumisimbolo sa katapangan ng mga Pilipino laban sa mananakop na mga dayuhan.

Itinuturing naman ito ng mga Amerikano bilang alaala at pagkilala sa kanilang mga sundalo na nasawi sa nabanggit na panahon.

Facebook Comments