Pagsertipikang urgent ng ehekutibo sa Dept. of OFWs, welcome sa Kamara

Welcome para sa liderato ng Kamara ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na sertipikahang urgent ang panukala para sa pagkakaroon ng Kagawaran para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs).

Ayon kay Speaker Lord Allan Velasco, ang pahayag ng Pangulo na sertipikahang urgent ang Department of OFWs ay napapanahon para tugunan ang mga problema at pangangailangan ng mga overseas workers lalo ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.

Hindi aniya lingid sa kaalaman ng lahat na mula nang magkaroon ng COVID-19 outbreak ay maraming OFWs ang nagsiuwian ng bansa matapos mawalan ng trabaho.


Inaasahan din ng Speaker ang repatriation ng libo-libong OFWs sa mga susunod na buwan dahil sa epekto sa global economy ng pandemya.

Pagtitiyak ni Velasco, sa oras na maaprubahan ng Senado ang bersyon ng kanilang panukala ay mamadaliin na ng Kongreso ang pagpapatibay sa panukala upang malagdaan na ni Pangulong Duterte at maging ganap na batas.

Nauna nang napagtibay noon pang Marso sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang House Bill 5832 o ang Department of Filipino Overseas (DFO).

Batay sa report ng Department of Labor and Employment (DOLE), aabot sa 500,000 OFWs ang nawalan ng hanapbuhay dahil sa epekto ng pandemya habang 70,000 pa na OFWs sa buong mundo ang stranded pa hanggang ngayon.

Facebook Comments