Nilinaw ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na dahil sa command responsibility kaya niya sinibak si Major General Alex Luna bilang Armed Forces of the Philippines (AFP) Deputy Chief of Staff for Intelligence.
Ayon sa kalihim, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon kung paano naging mali ang nailabas na listahan ng mga New People’s Army (NPA) na napatay ng militar na nagmula sa unit ni Maj. Gen Luna.
Para kay Lorenzana bilang commander nang isang unit, responsibilidad ni Luna ang naging pagkakamali ng kaniyang mga tauhan.
Kahapon, sinabi ni Lorenzana na isang malaking pagkakamali ang ginawa ng tanggapan ni Major Gen. Luna na nakakasira aniya sa reputasyon ng kanilang ahensya kaya hindi ito dapat palampasin.
Ang kanyang mga matatapang na salita at pagsibak kay Luna ay kailangan aniya ng buong organisasyon para mas seryosohin ang kanilang trabaho.
Sa ngayon, ayon kay Lorenzana, mananatili muna sa tanggapan ng AFP Chief of Staff si Luna habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Hindi naman aniya kailangan isalang sa AFP court martial si Luna.